Pilipinas, nakapagtala pa ng mga karagdagang kaso ng Omicron subvariants

Iniulat ng Department of Health (DOH) na may karagdagang 190 kaso ng Omicron subvariant BA.5 ng COVID-19 sa Pilipinas.

Sa press briefing, sinabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na 162 katao mula sa Region 11, 23 sa Region 12, tatlo sa BARMM, at tig-isa sa CARAGA at National Capital Region ang nagpositibo sa BA.5 variant.

Sa nasabing bilang, 149 na indibiduwal ang fully vaccinated, apat ang partially vaccinated, habang 37 naman bineberipika pa.

Sinabi ng DOH na itinuturing na bilang recovered cases ang 175 indibiduwal, pito ang nakasailalim pa sa isolation, at bineberipika pa ang estado ng walong iba pa.

Maliban dito, nakapagtala rin ng 34 pang kaso ng BA.4, kung saan 23 sa Region 12 at 11 sa Region 11.

27 indibiduwal ang fully vaccinated, habang pito ang inaalam pa ang vaccination status.

Ayon sa kagawaran, gumaling na sa naturang sakit ang 33 indibiduwal, habang bineberipika pa ang estado ng iba pang pasyente.

Samantala, inihayag din ni Vergeire na nagkaroon ng karagdagang isang kaso ng BA.2.12.1 sa Region 11, ngunit gumaling na aniya ito.

Sa ngayon, patuloy ang ginagawang beripikasyon ng kagawaran sa exposure at travel histories ng mga pasyente.

Base sa huling datos ng DOH hanggang Agosto 12, nasa 37,962 ang aktibo pang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.

Read more...