P7-B alokasyon ng CHEd sa scholars ipinasisilip ni Sen. Risa Hontiveros
By: Jan Escosio
- 2 years ago
Nais ni Senator Risa Hontiveros na maimbestigahan ang sinasabing kuwestiyonableng paglalabas ng pondo ng Commission on Higher Education (CHED) para sa mga programa ng Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST).
Base sa ulat ng Commission on Audit (COA) aabot sa halos P7 bilyon kwestyunableng alokasyon sa ilalim ng nasabing attached agency.
Ito ang nag-udyok kay Hontiveros ang Senate Resolution No. 128 na layong ipasiyasat sa Senado ang implementasyon ng mga programa at proyekto ng UniFAST.
Sa kanyang resolusyon, tinukoy ng senadora ang ilang mga bayarin tulad ng mga overpayments sa tuition at school fees na aabot sa P131 million, P251 million reimbursements sa mga state universities and colleges (SUCs) na sinagot na ng nakakasakop na LGUs, P3.4 billion na halaga ng delayed at hindi naisumiteng mga dokumento para sa Free Higher Education Program at P824 million bayad para sa mga SUCs at local universities and colleges (LUCs) na walang official receipts.
Dagdag pa sa mga ito ang pagpapalabas ng bilyun-bilyong pisong student loan program, financial benefits, scholarship grants at hindi nagamit na alokasyon para sa subsidy sa tertiary education.
Ikinadismaya ni Hontiveros ang ulat ng COA at aniya nais niya na magkaroon ng linaw ang isyu.