Planong ibalik ang dating LTO IT provider kinuwestiyon ng lady partylist solon
Labis na ipinagtataka ni Bagong Henerasyon Partylist Representative Bernadette Herrera ang plano ng Land Transportation Office (LTO) na muling kuhanin ang serbisyo ng IT provider na matagal ng natapos ang kontrata.
Sinabi ni Herrera na kuntento na ang publiko sa ikinakasang automated processing ng ahensiya kayat kuwestiyonable ang mga sinasabing panawagan ba ibalik ang Stradcom, na nakakuha ng P7.53 milyong halaga ng kontrata sa LTO mula 1998 hanggang 2016.
Ngayon ang Dermalog Identification Systems, na isang German firm ang IT provider ng LTO simula noong 2018.
Puna pa ni Herrera, sablay ang papuri ni LTO Chief Teofilo Guadiz sa Stradcom, kasabay nang panghihikayat na magkaroon ng bidding ang service providers ng ahensiya.
Gayunpaman, ayon sa mambabatas, hindi isasantabi ang mga hinaing ni Guadiz kayat hiniling niya na magkaroon ng pagdinig sa isyu.
“Bakit kailangang bumalik sa lumang service provider kung maganda naman ang serbisyo ng kasalukuyan? Isa pa, may pondo naman ang LTO para sa upgrading ng kanilang sistema kung kinakailangan? Sa tingin natin dito, puwede itong pagdudahan ng publiko kaya’t kailangan ang pagbusisi ng Kongreso sa usapin,” ani Herrera.
Sinabi pa nito na sa pagdinig ay malalaman ang mga puno’t dulo ng mga isyu sa sistema ng LTO lalo na may naging isyu na rin sa Stradcom sa kabiguan na ma-turnover ang database ng mga motorista nang matapos ang kanilang kontrata sa ahensiya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.