FB account ng ilang mediamen, suspendido dahil sa mga anti-Marcos comment

By Jay Dones June 02, 2016 - 04:24 AM

 

Inquirer file photo

Ilang social media accounts ng mamamahayag ang sinuspinde ng Facebook makaraang magpahayag ng kanilang saloobin sa plano ng susunod na administrasyon na ipalibing na ang labi ni Dating Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa kanilang mga post, sinabi nina Inday Espina Varona na kabilang sa mga nasuspinde ang mga accounts sa FB ay ang sa kanyang kapatid na si Nonoy Espina at mamamahayag na si Ed Lingao.

Paniniwala ni Varona, sinuspinde ng Facebook ang mga naturang account at binura ang mga post ukol sa Marcos burial dahil sa dami ng mga ‘trolls’ na nagreklamo ukol sa naturang artikulo.

Gayunman, naniniwala si Varona na ‘orchestrated’ o planado ang paghahain ng mga naturang complaints na nagmumula sa iilang grupo na may pansariling interes.

Sa panig naman ni Lingao, dinepensahan nito ang kanyang mga post sa pagsasabing hindi naman ito lumalabag sa isinasaad na ‘community standards’ ng sikat na social network site.

Naniniwala rin si Lingao na may kinalaman ang mga ‘Marcos loyalists’ sa hakbang na ito.

Matatandaang umaani ng negatibong reaksyon sa publiko partikular sa mga nakaranas ng karahasan sa rehimeng Marcos ang pahayag ni incoming President Rodrigo Duterte na payagan nang mailibing sa Libingan ng mga Bayani ang labi ng dating diktador.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.