First-class flights, ipagbabawal sa Duterte Cabinet

By Kathleen Betina Aenlle June 02, 2016 - 04:32 AM

 

Inquirer file photo

Mawawalan na ng perks na first-class flights ang mga opisyal ng Duterte administration, at wala na ring magagarbong handaan sa tuwing may okasyon.

Sa halip, economy class na lamang ang gagamitin ng mga miyembro ng Gabinete ni President-elect Rodrigo Duterte, at mga simple at pangkaraniwang pagkaing Pilipino na lamang ang ihahain sa mga okasyon.

Ayon sa piniling Social Welfare secretary ni Duterte na si Judy Taguiwalo, masaya na sila sa inanunsyo nito na wala nang gagamit ng mga maluluhong sasakyan at economy flights na lamang ang pwede sa kanilang mga opisyal ng gobyerno.

Ayon naman sa kaniyang spokesperson na si Salvador Panelo, napakahalaga kay Duterte ang pagiging simple.

Paliwanag aniya ni Duterte, ang publiko ay nagbabayad ng tax, at kahit pa personal na pera ang gamitin nilang mga opisyal para sa mga magarbong biyahe, ang iisipin pa rin ng mga tao ay pera ng bayan ang gamit nila dito.

Dahil rin dito sa panuntunan ni Duterte, isasantabi na ni Panelo ang kaniyang two-door na Mercedes Benz, at baka isabit na lamang niya ang Louis Vuitton bag na lagi niyang gamit oras na opisyal na silang magsimula sa trabaho.

100 percent naman aniya nilang susuportahan at susundin ang polisiya ni Duterte upang wala ring masabi tungkol sa kanila ang mga tao. Inihalimbawa niya pa ang meeting ni Duterte sa mga appointees nito kung saan ang inihain lang sa mga bisita ay mga simpleng pagkain lamang.

Taliwas aniya ito sa ginagawa ng mga nagdaang administrasyon kung saan laging magarbo ang handaan tuwing may okasyon o pagpupulong.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.