Duterte administration, hindi sasandal sa US

 

Mula sa inquirer.net

Inilarawan ni President-elect Rodrigo Duterte si Chinese leader Xi Jinping bilang isang “great president” at sinabing hindi sasandal ang Pilipinas sa Estados Unidos para sa pangmatagalang seguridad ng bansa.

Nagpahiwatig pa si Duterte sa kaniyang press conference na malapit nang maging maayos ang malamig na relasyon ng Pilipinas at China.

Pinuri ni Duterte si Xi bilang reaksyon sa ipinadala nitong liham ng pagbati sa kaniyang pagkapanalo bilang sunod na pangulo ng bansa.

Ayon sa Chinese foreign ministry, sumulat si Xi kay Duterte alinsunod sa diplomatic tradition ng mga pinuno ng mga bansa.

Ayon sa Xinhua news agency, umaasa si Xi na bumalik na ang magandang relasyon ng Pilipinas at China.

Samantala, sinabi rin ni Duterte na magkakaroon na ng pagkakasarinlan ang Pilipinas mula sa US kaugnay sa pagharap sa isyu ng teritoryo sa South China Sea.

Ayon kay Duterte, magkakaroon ang Pilipinas ng sariling pamamaraan, at hindi ito mananatiling nakasandal sa Amerika.

Ito aniya ay hindi para sa ibang tao kundi sa interes ng mga mamamayang Pilipino.

Handa naman aniya siyang hintayin ang resulta ng arbitration ng Pilipinas laban sa China at oras na lumabas na ito, hihingi siya ng payo mula sa kaniyang Gabinete upang makakilos nang nararapat.

Hindi aniya siya handang humarap sa digmaan lalo’t magreresulta lamang ito ng pagkamatay ng marami.

Read more...