Mga nagdarasal sa paggaling ni Sen. Santiago, bumuhos sa social media

By Jay Dones June 02, 2016 - 04:25 AM

 

Inquirer file photo

Bumuhos ang mga mensahe ng suporta at panalangin para kay Sen. Miriam Defensor Santiago na naka-confine sa Makati Medical Center dahil sa komplikasyon sa kanyang sakit na Stage 4 lung cancer.

Sa kani-kanilang mga post sa Twitter, kapwa nagparating ng mensahe sina Sen. Nancy Binay, Sen. Grace Poe at Sen. Sonny Angara at marami pang iba na nagdarasal sa agarang paggaling ng Senadora.

Maging si Sen. Ferdinand Bongbong Marcos na naka-tandem ni Santiago sa nakalipas na eleksyon ay nagpahatid ng kanyang mensahe upang agaran itong makarekober.

“We join the whole nation in praying for the immediate recovery of Sen. Miriam Defensor Santiago,” bahagi ng mensahe ni Sen. Marcos.

Si Sen. Santiago ay isinugod sa Makati Medical Center noong Lunes dahil sa hindi tinukoy na komplikasyon dulot ng kanyang kanser sa baga.

Araw ng Martes, inilipat ito sa Intensive Care Unit (ICU) ng pagamutan.

Sa mensahe ng kanyang mister na si Narciso ’Jun’ Santiago, pinasalamatan nito ang lahat ng mga humihiling ng agarang paggaling ng kanyang maybahay na mambabatas.

Maayos naman aniya ang kalagayan ng senadora at nagagawa pang makapagbiro.

Gayunman, ipinagbabawal muna para sa senadora na tumanggap ng bisita sa ngayon ayon sa statement mula sa kampo ng senadora.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.