Mga pulis ang unang nagpaputok sa Kidapawan incident-CHR report

By Kathleen Betina Aenlle June 02, 2016 - 04:23 AM

 

Inquirer file photo

Lumabas sa report ng Commission on Human Rights (CHR) na ang pulisya ang unang nagpaputok sa kaguluhang naganap sa protesta ng mga magsasaka sa Kidapawan City noong April 1.

Gayunman, napatunayan rin ng CHR na ilan sa mga nag-protesta ay nilinlang ng mga organizers at ng ibang hindi pa nakikilalang mga tao para makisali sa rally.

Sa 46-pahinang report ng CHR na may petsang may 27 pero inilabas lang noong May 30, isinalaysay nila ang mga nangyari sa naging marahas na dispersal ng mga otoridad sa mga magsasakang nag-rally at humihingi ng bigas sa pamahalaan sa Kidapawan-Davao Highway.

Ayon sa CHR, may kakulangan ang pamahalaan ng probinsya na protektahan at mailayo sa gutom ang mga magsasakang apektado ng malawakang tag-tuyot, na nag-ugat ng nasabing protesta.

Pero kinondena rin ng CHR ang mga organizers ng rally nang malaman nilang ilan sa mga nag-protesta ay hinikayat at nilinlang lamang para makisali sa kanila sa paglabas ng kanilang sariling agenda.

Excessive force namang itinuring ng CHR ang mga ginawa ng PNP partikular na ang pangunguna sa pagpapaputok sa mga magsasaka, na sinundan pa ng pag-aresto sa mga ito at pagkulong sa ilan sa kanila.

Matatandaang dalawa sa mga nagprotesta ang nasawi, habang dalawang pulis naman ang nagtamo ng malubhang pinsala, at maraming iba pa ang iniwang sugatan ng marahas na dispersal.

Ieendorso na sa Office of the Ombudsman at Department of Justice ang nasabing report, para masampahan na ng mga kaukulang reklamo ang mga “state agents, government officials and individuals” na nakitaan ng paglabag sa batas. Hindi naman pinangalanan ang mga ito sa report.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.