Hiniritan ni Senator Grace Poe ng mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno na bilisan ang pagpapalabas ng mga dokumentong kinakailangan sa aplikasyon sa trabaho.
Paalala ng senadora na nakasaad sa isinulong niyang Republic Act 11261 o ang First Time Jobseekeers Assistance Act, hindi din dapat maningil ng anumang bayad ang mga ahensiya para sa mga dokumento.
“Dapat nating ibigay ang lahat ng suporta sa bawat Filipinong naghahanap ng trabaho sa unang pagkakataon,” aniya.
Kabilang sa mga dokumento na kadalasan kailangan ng mga naghahanap ng trabaho ay NBI, police at barangay clearances, birth certificates, Tax Identification Number (TIN), Unified Multi-Purpose ID, at transcript of records mula sa paaralan.
“Hindi natin dapat palampasin ang pagkakataong tulungan silang magsimula ng karera at iangat ang buhay ng kanilang pamilya,” banggit ni Poe sa kanyang talumpati sa ika-78 Commencement Exercises ng University of Batangas sa Batangas City.