No contact apprehension policy, pinasususpinde muna ng LTO sa mga LGU
Humihirit ang si Land Transportation Office (LTO) chief Assistant Secretary Teofilo Guadiz sa mga lokal na pamahalaan na suspindehin muna ang implementasyon ng no contact apprehension policy (NCAP).
Ayon kay Guadiz, ito ay habang inaayos pa ang panuntunan lalo na sa reklamo ng mga operator ng mga pampublikong sasakyan na sila ang naoobligang magbayad ng multa sa paglabag ng kanilang mga drayber.
“Sa ilalim ng batas, ang nagbabayad ng multa ay ang registered owner ng sasakyan, on the presumption na ang rehistradong may-ari ng sasakyan ang nagmamaneho and by command responsibility, ‘yung may-ari ng sasakyan talaga ang dapat na magbayad kung may violation,” pahayag Guadiz.
“Pero, ito po ay pinag-aaralan namin ngayon. Tila po may kakulangan sa policy na maaaring kailangang repasuhin upang ang mismong drayber o nagmamaneho ng sasakyan ang dapat na managot sa paglabag. We will look into ways na ang dapat managot ay ang drayber,” dagdag ni Guadiz.
Sinabi ni Guadiz na bahagi ng kanilang mandato sa implementasyon ng NCAP ay magpalabas ng alarma sa mga sasakyan na nasasangkot sa paglabag.
“Ito po ay proyekto ng mga LGU. Ang part lang ng LTO ay kami ang naglalabas ng alarma mga sasakyang lumabag,” ayon pa kay Guadiz.
Isa pa sa nais ni Guadiz na mapag-aralan ay kung naibenta na sa iba ang sasakyan ngunit hindi nairehistro sa LTO ang paglilipat ng pagmamay-ari at nagkaroon ng paglabag sa batas-trapiko.
“There are instances po na ‘yung sasakyan ay nailipat na sa ibang pangalan pero dahil hindi ito nailagda sa LTO, ang sinisingil pa po nila ay ‘yung dating may-ari ng sasakyan. We would like to revisit this po,” pagtitiyak ni Guadiz.
Naniniwala rin si Guadiz na maganda ang layunin ng no contact apprehension policy, ngunit kailangan lamang na ayusin upang higit na mapalakas ang implementasyon at makatulong sa maayos na daloy ng trapiko sa Metro Manila.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.