Duterte, dapat i-boycott ng media-‘Reporters without Borders’

By Jay Dones June 02, 2016 - 03:00 AM

 

Inquirer file photo

Maging ang grupong Reporters Without Borders (RSF) ay mariing kinondena ang pahayag ni President-elect Rodrigo Duterte kaugnay sa mga napapaslang na mga mamamahayag sa Pilipinas.

Matatandaang sa kanyang press conference, sinabi ni Duterte na hindi lusot sa asasinasyon ang mga mamamahayag kung corrupt ito o may masamang ugali.

Ayon kay Benjamin Ismail, pinuno ng Asia-Pacific Desk ng RSF, maituturing na paglabag sa batas ukol sa defamation o paninirang-puri  ang mga binitiwang salita ng susunod na pangulo ng Pilipinas.

Bukod dito, mistula aniyang kinukunsinti pa ni Duterte ang karahasan dahil sa kanyang mga binitiwang pahayag.

Dahil dito, hinihikayat ni Ismail ang lokal na media na i-boycott ang mga press conference ni Duterte hangga’t hindi ito nagbibigay ng ‘public apology’.

Sa 2016 World Press Freedom Index, nasa ika-138 lamang ang Pilipinas sa 180 bansa na nagpapahalaga sa larangan ng malayang pamamahayag.

Maging ang Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP) ay naalarma sa binitiwang pahayag ng susunod na Pangulo ng bansa.

Sa kanilang statement, sinabi ng samahan na bagamat totoong may problema sa korupsyon sa hanay ng media sa Pilipinas, hindi ito sapat upang kunsintihin ang mga pagpatay at harassment sa mga mamamahayag.

Ganito rin ang reaksyon ng National Union of Journalists of the Philippines, Center for Internaitonal Law (Centerlaw) at Center for Media Freedom and Responsibility.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.