Nakikipagtulungan ang lahat ng Regional and District Engineering Offices ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga pampublikong paaralan sa bansa bilang suporta sa Oplan Balik Eskwela (OBE) ng Department of Education (DepEd) sa papasok na School Year 2022-2023.
Alinsunod sa direktiba ni DPWH Secretary Manuel Bonoan, nag-isyu si DPWH Assistant Secretary Antonio Molano Jr. ng isang memorandum para ipag-utos sa mga RO at DEO na magpatupad ng maintenance activities sa mga pampublikong paaralan bago ang pagbubukas ng face-to-face classes sa Nobyembre.
“As a contribution to DepEd’s annual OBE Progam, our implementing offices were instructed once again to undertake measures that would help in ensuring smooth and orderly opening of classes,” saad ng kalihim.
Nagkakasa ng maintenance works ang kagawaran sa mga pampublikong paaralan sa ilalim ng OBE taun-taon.
Kabilang dito ang pagpipintura o repainting ng pedestrian lanes sa harap ng mga paaralan, declogging ng drainage at paglilinis ng mga manhole malapit sa mga paaralan, pagsasaayos ng mga upuan, kisame, washroom, at entrance gates.
Ipinag-utos din ng kagawaran na mag-organisa ng OBE outreach programs sa hindi bababa sa dalawang remote schools kada DEO.
Dapat magsagawa ang mga DEO ng tree planting activities sa loob ng eskwelahan, donation drive ng school supplies, libro, face masks, at food packs.