Umakyat pa sa 11 ang bilang ng mga nasawi bunsod ng tumamang magnitude 7 na lindol sa Abra noong Hulyo 27, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa huling datos ng NDRRMC hanggang 8:00, Biyernes ng umaga (Agosto 5), isang residente mula sa Tubo, Abra ang bagong napaulat na nasawi.
Nasa 410 katao naman ang nasugatan dahil sa malakas na lindol.
Iniulat din ng ahensya na umabot sa 448,990 indibiduwal o 119,730 na pamilya ang naapektuhan ng pagyanig sa 1,188 barangay sa Region 1, 2, at Cordillera Administrative Region (CAR).
Sinabi rin nito na 2,395 katao o 745 pamilya ang nananatili pa sa itinalagang 21 evacuation centers, habang 48,843 indibiduwal o 14,088 pamilya ang nananatili sa labas ng evacuation centers.
Base pa sa ulat, umabot sa 168 kalsada at 11 tulay ang nagtamo ng pinsala, ngunit lahat ng ito ay maari nang daanan ng mga motorista.
Ayon sa NDRRMC, nasa kabuuang 30,285 bahay ang nasira sa Regions 1, 2, CAR, at maging sa National Capital Region (NCR). Sa nasabing bilang, 29,720 ang partially damaged, habang 565 ang totally damaged.
Pagdating naman sa imprastraktura, sinabi ng ahensya na umabot sa P1,342,438,371 ang halaga ng pinsala sa Regions 1, 2, 3, CAR, at Metro Manila.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.