Dalawang bagong EDSA busway stations, binuksan ng DOTr
Pinangunahan ni Transportation Secretary Jaime Bautista, kasama ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ang pormal na pagbubukas ng dalawang karagdagang EDSA busway stations; Roxas Boulevard at Taft Avenue Busway stations, araw ng Huwebes (Agosto 4).
Bahagi ng layunin ng kagawaran upang mapagbuti pa ang road transport sector sa pamamagitan ng iba’t ibang inisyatibo.
“Dito po sa Department of Transportation (DOTr) hindi po tayo titigil. Mag-iisip tayo ng paraan para magkaroon po ng accessible, affordable, convenient and safe travel para sa ating lahat,” saad ng kalihim.
Tampok sa proyekto ang paglalaan ng median lane para sa mga bus na mayroong istasyon sa median island.
Sa pamamagitan nito, nagiging mas maayos ang biyahe nang hindi nagkakaroon ng problema sa connecting streets, driveways, commercial centers at curbside drop-off points.
Nabawasan din nito ang oras ng biyahe simula Mall of Asia sa Pasay City hanggang Monumento sa Kalookan. Mula sa dating dalawa hanggang tatlong oras, 1 oras at 30 minuto na lamang ang travel time sa pagitan ng nabanggit na dalawang lugar.
Pinuri naman ni Bautista ang private and government partnership para sa pagsuporta sa ligtas at komportable pagbiyahe ng mga commuter.
“Ako po ay nagpapasalamat sa lahat ng tumulong para ito ay maganap. Unang una sa MMDA. Nagpapasalamat din ako sa Department of Public Works and Highways (DPWH). Sila po ay instrumental para maitayo itong additional bus stations natin,” ayon sa kalihim.
Dagdag nito, “Nagpapasalamat din ako kay LTFRB Garafil sa mga ganitong additional facilities para maibsan ang hirap ng ating mga mananakay.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.