Sta. Ana Hospital, nanguna sa public hospitals pagdating sa COVID-19 response and management

Photo credit: Sta. Ana Hospital/Facebook

Nakatanggap ang Sta. Ana Hospital sa Lungsod ng Maynila ng pinakamataas na ranking sa lahat ng pampublikong ospital sa National Capital Region (NCR) pagdating sa COVID-19 response and management.

Nakakuha ang naturang local government owned hospital ng 97 sa 100 rating mula sa Metro Manila Center for Health Development – Health Facility Development and Enhancement Unit (HFDEU), isang ahensya sa ilalim ng Department of Health (DOH).

Ito ang pinakamataas na rating sa lahat ng ospital na nasa ilalim ng mga lokal na pamahalaan at DOH.

Binati naman ni Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan ang Sta. Ana Hospital.

“Makakaasa po kayo na pagbubutihin pa po ng Manila LGU para magbigay ng quality service para sa ating mga Manilenyo,” pahayag nito.

Ayon naman kay Sta. Ana Hospital director Dr. Grace Padilla, “My deepest and sincerest thanks to all hardworking staff of Sta. Ana Hospital for garnering highest score among LGU and DOH hospitals.”

“Sta. Ana Hospital will continue to provide quality service for Manileños while continuing to adhere to the highest standards set by the national agency,” aniya pa.

Nakakuha ang naturang ospital ng perfect score na 20 sa governance, 15 sa quality measurement and improvement, at 10 sa facility safety and ER management.

Nasa 19 naman ang nakuhang puntos ng ospital para sa ethics rights and patient right, 19 sa patient safety, at 14 sa resource management.

Read more...