Philippine Navy tumulong na sa rescue sa pulis na dinukot ng NPA

Philippine Navy search
Inquirer file photo

Nagsasagawa ngayon ng maritime patrols ang militar sa may bahagi ng Davao Oriental kung saan naganap ang pananalakay ng mga pinaniniwalaang miyembro ng New Peoples Army (NPA) sa Gov. Generoso Police Station kung saan binihag mismo ang Hepe ng Pulisya na si Chief Insp. Arnold Ongachen.

Ayon kay 10th Infantry Division Spokesperson Capt. Rhyan Batchar, walang tigil ang ginagawa nilang hot pursuit operations para marescue ang dinukot na pulis.

Kinumpirma ni Batchar na isang patrol gunboat mula sa Philippine Navy ang idineploy sa lugar na siyang nangunguna ngayon sa maritime patrol na naglalayon na hadlangan ang posibleng mga ruta na dadaanan ng rebeldeng NPA.

Ani Batchar, dinagdagan na rin nila ang armored fighting vehicles sa lugar kung saan nagpapatuloy pa rin ang hot pursuit operations.

Bukod sa sea blockade naglagay na rin ng mga dagdag na checkpoint operations ang militar at PNP sa lugar.

Nauna nang sinabi ng ilang lokal na opisyal sa lugar na posibleng pang-aagaw lang ng armas ang talagang pakay ng mga rebeldeng lumusob sa himpilan ng pulisya.

Read more...