Tumaas pa ang halaga ng pinsala sa agrikultura bunsod ng tumamang magnitude 7 na lindol sa Tayum, Abra noong Hulyo 27.
Sa abiso ng Department of Agriculture (DA) hanggang 12:00, Miyerkules ng tanghali (Agosto 3), umabot na sa P269.1 milyon ang halaga ng pinsala sa irrigation systems, farm-to-market roads, farm structures, livestock at poultry sa Cordillera Administrative Region (CAR) at Ilocos Region.
“No damage and losses on crops has been reported as of this time,” saad ng kagawaran.
Iniulat ng DA Regional Field Office CAR na 69 agricultural facilities ang nagkaroon ng pinsala dahil sa erosion at cracks.
Saad ng kagawaran, “Livestock and poultry raisers were also affected because their animals were buried alive and some had premature delivery. To date, a total of 129 heads of animals are lost.”
Sinabi naman ng DA na walang biglaang pagbabago sa dami at presyo ng agricultural commodities, lalo na sa mga gulay, bago at pagkatapos ng naganap na lindol.
“It can be assumed that the normal trading operations will continue despite experiencing low intensity aftershocks,” dagdag nito.
Simula noong Hulyo 29, nagsagawa ang DA CAR RFO, katuwang ang BFAR-CAR at DA RFO 1, ng KADIWA store activities para magbenta ng 12.86 metrikong tonelada ng mga gulay, fish products, at iba pang pagkain sa murang halaga.
Ayon naman sa National Food Authority (NFA), sapat pa ang suplay ng bigas para sa relief operations sa CAR, Regions 1, 2 at 3.
“NFA ensures that a warehouse is open to cater the needs of the Department of Social Welfare and Development (DSWD), LGUs, institutions and other relief agencies,” pahayag nito.
Siniguro naman ng DA at ng kanilang mga kawani, ahensya at korproasyon na patuloy na makikipag-ugnayan sa NGAs, LGUs at iba pang DRRM-related offices.