Mga mambabatas hati ang opinyon sa pagpili sa bagong DAR Secretary

By Isa Avendaño-Umali June 01, 2016 - 03:18 PM

Rafael-Mariano
Photo: Anakpawis

Hindi kumportable si Ifugao Rep. Teddy Baguilat sa pagkakatalaga ni President-elect Rodrigo Duterte kay dating Anakpawis Partylist Rep. Rafael Mariano bilang bagong kalihim ng Department of Agrarian Reform o DAR.

Ayon kay Baguilat, nirerespeto naman niya si Mariano, lalo pa’t nagkasama sila sa Kamara noon.

Gayunman, tanong ni Baguilat, paano ipatutupad ni Mariano ang Comprehensive Agrarian Reform Law o kilala bilang CARP na mariing tinututulan nito at mga kapwa makakaliwa.

Sinabi ng Kongresita na batay sa mga hearing na kanyang pinamunuan noon ay matindi ang pagkontra ni Mariano sa CARP law at sa katunayan ay gusto nilang ma-repeal ito at maipasa ang sarili nilang bersyon ng agrarian reform.

Noong Kongresista pa si Mariano ay isinusulong nito ay ang Genuine Agrarian Reform Bill o GARB na layong ipamahagi ng libre ang mga lupain sa mga magsasaka.

Pero para naman kay Anakpawis Partylist Rep. Fernando Hicap ay makasaysayan ang pagkaka-pwesto kay Mariano sa DAR.

Sinabi ni Hicap na si Mariano ay tunay na magsasaka at nararapat lamang sa DAR na isa namang ahensya na may mandatong serbisyuhan ang sektor ng agrikultura at hindi ang mga landlord.

Pagtitiyak ni Hicap, si “Ka Paeng” ay magta-trabaho ng husto upang maipaglaban ang karapatan ng mga magsasaka.

Pinakahihintay din daw nila ang reaksyon ng pamilya Cojuangco-Aquino kapag dumating na ang panahon na ipatutupad ang genuine land distribution sa Hacienda Luisita.

TAGS: baguilat, DAR, hicap, ka paeng, mariano, baguilat, DAR, hicap, ka paeng, mariano

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.