Palasyo: “Ang hindi natin pagbabalik sa ICC ay isyu ng soberanya”

PCOO photo

Usapin sa soberenya ang rason ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kung kaya nagpasyang hindi na umanib muli ang Pilipinas sa International Criminal Court (ICC).

Ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, iniimbestigahan ng mga korte sa bansa ang reklamo ng mga pamilya ng biktima sa anti-drug war campaign.

“Ang hindi natin pagbabalik sa ICC ay isyu ng soberanya. Sa kasalukuyan, iniimbestigahan naman po ang mga reklamo ukol doon sa mga namamatay during the drug war kung kaya’t hindi na nangangailangan pang tumugon sa ICC o bumalik ang ating bansa sa Rome Statue,” pahayag ni Angeles.

Iginiit pa ni Angeles na gumagana ang mga hukuman sa bansa.

“So, naiintindihan natin na ang mga biktima ay may hinaing ngunit bukas po ang ating mga hukuman at ang proseso ng hustisya para sa kanilang hinaing,” pahayag ni Angeles.

Sinabi pa ni Angeles na hindi na rin kailangang utusan pa ni Pangulong Marcos ang mga korte o ang Department of Justice (DOJ) na maadaliin ang paglilitis sa mga kasong may kinalaman sa anti-drug operations.

“Bahagi po ng ating proseso ang mabilis na paglilitis lalung lalo na doon sa mga kriminal na kaso. so hindi na kailangan magbigay ng direktiba ang Pangulo, bahagi na po yun ng sistema ng hustiya,” pahayag ni Angeles.

Bahala na aniya ang mga hukuman na umaksyon sa mga kaso.

“Ang magsasabi po kasi nyan ang hukuman. kapag ang isyu ay naihaharap na sa mahistrado sila na po ang maghahatol kung ito ay nasa tamang panahon o proseso o kung naangkop pa ang time period doon sa paglilitis ng kaso” pahayag ni Angeles.

Una rito, pumalag ang mga pamilya ng biktima ng anti-drug war campaign sa pasya ni Pangulong Marcos na hindi na bumalik ang Pilipinas sa ICC.

Isang malaking pagkakamali, ayon sa mga pamilya ng biktima ng anti-drug war campaign, ang desisyon ni Pangulong Marcos.

Ayon kay Angeles, naiintindihan ng Palasyo ang hinaing ng mga ito pero bukas aniya ang mga hukuman at gumagana ang proseso ng paglilitis.

Taong 2019 nang pormal na kumalas ang Pilipinas sa ICC.

Read more...