Inabisuhan na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang mga magulang hinggil sa mahigpit nilang ipapatupad ang curfew hours.
Pinayuhan ng NCRPO ang mga magulang ng mga menor-de-edad na bantayan ng mabuti ang kanilang mga anak upang matiyak na sila ay hindi magpapakalat-kalat sa dis oras ng gabi.
Ayon kay NCRPO spokesperson Chief Inspector Kimberly Molitas, mananagot ang mga magulang sa sandaling mahuli ang kanilang mga anak na lumabag sa ipinapatupad na curfew.
Paliwanag ni Molitas ang sunod-sunod na operasyon sa Metro Manila hinggil sa mga menor de edad na lumalabag sa curfew ay hindi pagpapakitang gilas kay incoming President Rodrigo Duterte.
Matagal na rin naman aniyang nagsasagawa ng operasyon ang NCRPO sa pagpapatupad ng curfew ordinance ng mga lokal na pamahalaan.
Samantala, umabot na sa mahigit isang daang menor de ead ang nadakip sa lungsod ng Maynila hinggil sa mas pinaigting na pagpapatupad ng curfew.
Ngayong umaga, nagpatawag ngpulong si MPD Director C/Supt. Rolando Nana sa mga itinuturing na first responders kabilang ang mobile patrol, bomb squad at mga tauhan ng SWAT.
Ayon kay Nana, bahagi ng pulong ang mahigpit na bilin sa mga pulis na palakasin ang pagpapatupad ng curfew sa mga menor de edad at pagbabawal sa pag-iinuman sa kalye.
Pinaalalahanan din ni Nana ang kaniyang mga tauhan na maging magalang sa kanilang pagsasagawa ng operasyon upang hindi sila maakusahan ng pagiging arogante at pagmamalabis.
Binalaan din ni Nana ang mga pulis Maynila hinggil sa tamang pagsusuot ng uniporme.