Kasabay ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa, tumaas din ang healthcare utilization rate (HCUR) sa National Capital Region (NCR) at ilang lugar sa nagdaang linggo.
Ayon kay OCTA Research fellow Dr. Guido David, base sa datos hanggang Hulyo 31, umakyat sa 36.5 porsyento ang HCUR sa Metro Manila. Mas mataas kumpara sa 31.7 porsyentong HCUR noong Hulyo 24.
Higit naman sa 50 porsyento ang HCUR sa Bohol (59.5 porsyento)) at Iloilo (56.1 porsyento).
Tumaas din ang HCUR sa Batangas (40.7 porsyento), Capiz (44.6 porsyento), Cavite (34.7 porsyento), Cebu (43.4 porsyento), Cebu City (38.4 porsyento), Iloilo City (47.2 porsyento), Laguna (34.6 porsyento), Olongapo (42.2 porsyento), at Rizal (47.5 porsyento).
Bukod-tangi naman ang Lucena na bumaba ang HCUR sa 41.6 porsyento mula sa dating 47.9 porsyento noong Hulyo 24.
Samantala, sumipa sa 71.4 porsyento ang ICU occupancy sa Capiz dahil sa COVID-19.
Tumaas din ang ICU occupancy sa Bohol (50 porsyento), Cebu (13.3 porsyento), Cebu City (31.2 porsyento), Iloilo City (46.3 porsyento), Laguna (17.6 porsyento), at Olongapo (28.6 porsyento).
Nanatili naman ang ICU occupancy ng Iloilo sa 33.3 porsyento.
Kumpara sa datos noong Hulyo 24, bumaba naman ang ICU occupancy sa NCR (26.9 porsyento), Batangas (29.6 porsyento), Cavite (24.6 porsyento), at Lucena (44.4 porsyento).
Base sa tala ng Department of Health (DOH) hanggang Agosto 1, nasa 34,268 ang aktibo pang kaso ng nakahahawang sakit sa Pilipinas.