Kinilala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamahalaang-lungsod ng Las Piñas sa mga ginawang hakbang sa pagkasa ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Pumuwesto na pangalawa ang Las Piñas bunsod ng nakuhang 98.4-percent compliance sa kalusugan, edukasyon, deworming categories at family development sessions.
Pagbabahagi ni Mayor Imelda Aguilar, ang pagkilala sa kanila ay bunga ng pagtutulungan ng kanilang Social Welfare and Development Office, CityLinks at social welfare assistants para maayos at epektibong mapagsilbihan ang mga pamilya na kabilang sa 4Ps category.
Tumulong din ang kanilang City Health Office, Department of Education at Local Development Council (LDC).
Ayon pa sa opisyal, sa mga nakalipas na taon, pang-13 sa 17 lokal na pamahalaan ang kanilang lungsod hanggang sa pagpapatupad ng kanyang programang ‘Tuloy ang Tapat at Progresibong Serbisyo.’
Ipinaalam kay Aguilar ang labis na pagtaas nila sa puwesto sa Local Advisory Council meeting ng DSWD – NCR.