Kulungan ang kinasadlakan ng isang 43-anyos na construction worker dahil sa panggagahasa at pagdukot sa isang 11-anyos na batang babae.
Nakapiit ngayon sa station 10 ng Quezon City Police District ang suspek na si Anek Semaña makaraang ireklamo ng mga magulang ng biktima dahil umano ay sa sapilitang pagtangay sa kanilang anak at paghalay dito.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, ikinatwiran ni Semaña na kusang sumama sa kanya ang bata nang sila ay mag “eyeball” o magkita sa isang lugar sa Pasig City nuong nakaraang araw ng Sabado.
Nagkakilala umano sila ng biktima sa pamamagitan ng text at pinaniwala umano siya ng bata na siya ay 21-anyos na.
Ang suspek ay dinakip ng mga guwardiya ng East Avenue Medical Center makaraang maaktuhan siya na kasama ang biktima. Nasa ospital kaso ang asawa ng suspek na kakapanganak pa lamang.
Mismong mga guwardiya ng EAMC ang nagturn-over sa suspek sa QCPD para maimbestigahan.
Kaagad namang ipinag-utos ni QCPD Station 10 Commander Pedro Sanchez ang pagberipika sa background ng suspek lalo na sa lugar nito sa GMA, Cavite habang isinailalim naman sa psychological debriefing ng women’s and children’s desk ang biktima.
Kasong rape, abduction, child abuse o paglabag sa Republic Act 7610 ang kahaharapin ng suspek.