BuCor, mahigpit na babantayan ni Sec. Remulla

Photo credit: Justice Sec. Boying Remulla/Facebook

Mahigpit na babantayan ni Justice Secretary Crispin “Boying” Remulla ang Burea of Corrections (BuCor).

Katunayan, nakipagpulong na si Remulla sa international criminology expert para magpatupad ng mga reporma sa Correction system sa bansa.

Ayon kay Remulla, isa ang Bucor mga problemadong tanggapan na nasa ilalim ng DOJ.

Dahil dito, agad na umugong ang posibleng pagsibak kay Bureau of Corrections (BuCor) Chief Gerald Bantag matapos makipagpulong si Remulla sa international criminology expert.

Sinabi ni Remulla na dahil sa walang tigil na kontrobersiya loob ng BuCor kaya nalalagay ang buong gobyerno sa masamang imahe.

Sa pamumuno ni Bantag, ilang kontrobersiya ang kinasangkutan ng BuCor, kabilang ang misteryosong pagkamatay sa COVID-19 ng walong high-profile inmates sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic kung saan sinampahan na ng kasong murder ng National Bureau of Investigation (NBI) sa DOJ ang mga sangkot sa Bilibid deaths.

Pumasok din sa isang maanomalyang Joint Venture Agreement (JVA) si Bantag sa pagitan ng Agua Tierra Oro Mina Development Corporation(ATOM) para sa paglipat ng prison facilities mula sa National Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City sa Nueva Ecija.

Lumitaw na Oktubre 2021 nang pumasok sa kasunduan sa ATOM si Bantag at nang malaman ito ni dating Justice Secretary Menardo Guevarra noong Disyembre 2021 ay agad na pinasuspinde ang JVA gayundin kinastigo ng Muntinlupa City Council si Bantag na pumapasok sa isang master development plan nang walang pag-abiso sa local government.

Hindi lamang ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagdesisyon mag-isa si Bantag nang walang pagkonsulta sa DOJ at Muntinlupa City Government dahil noong Marso 2021 ay biglaan din itong nagpatayo ng brick wall para saraduhan ang isang komunidad sa NBP. June 2021 nang ipinasara nito ang Magdaong Drive sa mga motorista at November 2021 nang maglagay ng concrete wall sa gitna ng dalawang village sa Barangay Poblacion.

Ang aksyon na ito ni Bantag ay upang palakasin ang seguridad sa paligid ng NBP subalit nilinaw ni dating Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi na walang permit at koordinasyon ang ginawa ni Bantag kaya naapektuhan ang mga residente na hindi nakalabas ng kanilang komunidad at nalabag ang kanilang ‘right of way’.

Dahil sa insidente, nagkaroon ng Congressional hearing at idineklarang persona non grata ng Muntinlupa si Bantag habang winasak din ang mga pader na ipinatayo nito.

Hindi rin kinonsulta noon ni Bantag si dating DOJ Secretary Guevarra nang payagan nitong ma-interview ng SMNI ang nakakulong na si Ret. Gen. Jovito Palparan.

Sinabi ni Undersecretary for Corrections Deo Marco na ikinagulat mismo ni Guevarra nang makita sa telebisyon ang television interview ni Palparan sa kasagsagan noon ng pandemic protocols.

Ipinaliwanag ni Marco na bagamat hindi naman pinagbabawalan ang pag-interview sa inmates ay kailangan ito ng approval ng kalihim subalit sa nasabing insidente ay si Bantag lang ang nagdesisyon mag isa at walang alam ang tanggapan.

Read more...