Magagamit ng gobyerno ang ilang programa, kasama na ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4PS), para sa pagbibigay ng agarang tulong sa mga lubhang naapektuhan ng malakas na lindol.
Ito ang sinabi ni Senator Alan Peter Cayetano at aniya, ang mga programa ay mapapakinabangan ng mga pamilyang napinsala ang ari-arian o nawalan ng kabuhayan dahil sa magnitude 7.0 earthquake.
“Dapat pwede nating magamit yung 4Ps para matulungang makabangon ang mga pamilyang apektado ng mga kalamidad, we should be able to enroll families into the program in times of disasters,” aniya.
Una nang inihain ni Cayetano ang Senate Bill No. 302 o ang 4Ps for Disaster Victims Act, na nagtutulak ng ‘1-2-3 Assistance for Disaster Victims,’ base sa anti-poverty cash disbursement program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Paliwanag ng senador, sa kanyang panukala, agad magbibigay ng tulong-pinansiyal ang DSWD at alamin sa loob ng 15 hanggang 30 araw kung sino ang dapat na maidagdag sa 4Ps.