QC gov’t tutulong sa mga nabiktima ng lindol sa Abra at Vigan
By Chona Yu July 30, 2022 - 08:22 AM
Magpapadala ng tulong ang lokal na pamahalaan ng Quezon City sa mga biktima ng lindol sa Abra at Vigan.
Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, inaprubahan kasi ng Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Council ang resolusyon para magpadala ng humanitarian assistance sa Abra at Vigan.
Base sa ulat ng Abra provincial DRRM, mahigit 2,000 pamilya o 5,000 indibidwal ang naapektuhan ng lindol habang 67 pamilya o 235 indibidwal ang naapektuhan sa Vigan.
Ayon kay Belmonte, makatatanggap ang Abra at Vigan ng tig-250 na Partition Tents, 500 Hygiene Kits, 500 First Aid Kits, 500 COVID Kits, food and kitchen supplies at iba pa.
Magpapadala rin ang lokal na pamahalaan ng team ng social workers para mamahagi ng hot meals.
Mayroon din aniyang team ng health workers para magsagawa ng Mental Health and Psychosocial Services.
“Taos-puso po kaming nakikiramay sa mga pamilyang lubhang naapektuhan ng lindol nitong nakaraang Miyerkules. Hangad po namin na magkaroon kayo ng katatagan ng loob sa kabila ng trahedya at krisis na inyong kinakaharap,” pahayag ni Belmonte.
“Kami naman sa Pamahalaang Lungsod Quezon ay handang mag-abot ng tulong sa mga probinsya at lungsod na higit na nangangailangan,” dagdag ng Mayor.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.