DOLE maglalaan ng P50-M emergency employment para sa quake-hit regions
Maglalaan ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng P50 milyong emergency employment program sa mga probinsyang tinamaan ng magnitude 7 na lindol.
Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, ito ang naging hakbang ng kagawaran alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na tulungan ang mga lalawigan sa Region 1 at Cordillera Administrative Region (CAR).
Maliban sa anim na nasawi at mahigit 100 nasugatan, nagdulot din ang malakas na pagyanig ng pagsasara ng ilang negosyo at pagkawala ng trabaho sa residente.
Upang mapabilis ang calamity response, sinabi ni Laguesma na sisimulan ng kagawaran ang rehabilitation program para sa mga indibiduwal na nawalan ng trabaho dahil sa lindol.
“In particular, we are rolling out the Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/ Displaced Workers program for the quake victims,” dagdag nito.
Magiging sakop aniya ng naturang programa ang apat na munisipalidad sa CAR, kabilang ang 37 barangay sa nasabing rehiyon.
Maliban dito, sinimulan na rin ng DOLE ang profiling sa mga benepisyaryo ng TUPAD program.
Aktibong miyembro aniya ang DOLE ng Rehabilitation and Recovery Cluster sa ilalim ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
“As such, we are mandated to reduce the vulnerability to risks of the poor and marginalized workers,” saad ng kalihim.
Target din ng DOLE na magpatupad ng iba pang recovery measures kung saan kasama ang employment facilitation sa pamamagitan ng Public Employment Services Office (PESO) para sa mga nawalan ng trabaho.
“The activity will include referral, placement, and the conduct of Special Risk Allowance (SRA) and job fairs in the region,” ani Laguesma.
Sa Region 1, nakapagpadala na ang DOLE ng tulong sa Ilocos Sur at nangakong ipapaabot din ang tulong sa iba pang parte ng probinsya sa mga susunod na araw.
Sa pamamagitan naman ng TUPAD, 800 emergency workers ang nakasama sa clearing, cleaning up at recycling operations sa Vigan City, at maging sa bayan ng Lidlidda, Sugpon, Caoayan, San Emilio, Galimuyod at Santa Cruz.
“They started working yesterday (July 28) to provide help to affected communities,” pahayag ng Labor Secretary, at sinabing aabot sa P4,666,400 ang inilaang pondo para sa nasabing programa.
Ani Laguesma, isa ang TUPAD sa inisyal na aksyon ng DOLE upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga biktima ng lindol.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.