Satellite specialty hospitals posible, Angara naghain ng panukala

Kayang gawin at napapanahon kaya’t naghain ng panukala si Senator Sonny Angara para sa pagpapatayo ng satellite specialty hospitals sa iba’t ibang bahagi ng bansa.Ito ay para mabilis na pagbibigay ng serbisyong-medikal sa pasyente at hindi na kailangan pang maghanap at bumiyahe ng malayo.

Ang Senate Bill No. 93 ang isa sa priority bills ni Angara sa 19th Congress.

Aniya, ang specialty hospitals, Philippine Heart Center, Lung Center of the Philippines, National Kidney and Transplant Institute, at ang Philippine Children’s Medical Center ay pawang nasa Quezon City.

“Sa aking pag-iikot sa mga tinatawag natin na specialty hospitals ay napansin ko na marami sa mga pasyente doon ay nanggaling pa mga malalayong lugar tulad ng Maguindanao at General Santos City. Napakalaking gastos ito para sa mga pasyente at sa kanilang mga kamag-anak na kailangan bumiyahe ng malayo para magpagamot,” sabi ni Angara.

Puna niya, marami pang lugar sa bansa ang kapos sa serbisyong-medikal.

Inihain na ni Angara ang panukala noong 18th Congress at sa 19th Congress, kumpiyansa siya na susulong ito dahil ayon ito sa nais din ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Read more...