Sinabi ni Senator Robin Padilla na isa sa mga hamon sa kanya bilang baguhang senador ay ang pagsasalita ng wikang English ng kanyang mga kapwa senador.
“Nahihirapan ako kung Inglisan na puwedeng dahan-dahan muna,” pag-amin ng senador sa mga mamamahayag.
Kaya’t aniya, malaking tulong sa kanya ang Senate journal kung saan nakasulat ang lahat na mga usapan at diskusyon.
Muli rin niyang inulit na patuloy niyang gagamitin ang wikang Filipino sa mga pagdinig at mga opisyal na kaganapan sa Senado.
“Opo, hindi na ako magpapanggap. Mahirap magpapanggap kang si Webster,” diin ni Padilla.
Pumapasok nang maaga si Padilla sa Senado para sa ‘briefing’ ng kanyang staff sa mga naging kaganapan sa sesyon.
Una nang ipinanukala ng senador ang paggamit ng Filipino at English sa mga opisyal na dokumento ng gobyerno.