Pangako ni Pangulong Marcos na pamamahagi ng mga lupa, inaabangan na ng mga magsasaka
Saludo ang Task Force Mapalad (TFM), ang pederasyon ng mga magsasaka at and agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa bansa sa State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ito ay matapos talakayin ng Pangulo sa kanyang SONA ang libreng pamamahagi ng lupa at pag-suspendi sa amortization na isang malaking pasanin sa mga magsasaka.
Ayon kay Armando Jarilla, national coordinator ng TFM, welcome sa kanilang hanay ang mga pangako ng Pangulo.
Sinabi naman ni TFM president Teresita Tarlac na para sa isang katulad sa kanya na isang holder ng certificate of land ownership award, malaking kabawasan sa mga magsasaka na maibsan ng pasanin sa bayarin ng lupa sa CARP.
“Sana po ay madaliin na mapirmahan na ang Executive Order sa moratorium at maamyendahan and RA 6657 para maipamahagi ng libre sa mga magsasaka at tuluyan nang mapaunlad namin ang mga sakahan at pati na rin ang aming buhay,” pahayag ni Tarlac.
Abril 2021 pa humihirit ang TFM na magpatupad ng moratorium ang pamahalaan para sa land amortizations dahil sa pandemya sa COVID-19.
Nanawagan din ang TFM sa mga mambabatas na bulangkas ng batas para sa pamamahagi ng mga newly-acquired land sa ilalim ng land acquisition and distribution (LAD) program sa mga agrarian reform beneficiaries.
Sinabi naman ni Anthony Marzan, executive director ng Kaisahan na maganda ang programa ng pamamahagi ng lupa. Pero dapat, may kaakibat itong ayuda.
Nanawagan naman ang Kalipunan ng mga Maliliit na Magniniyog sa Pilipinas (KAMMPIL) kay Pangulong Marcos na ipamahagi na ang mga undistributed coconut lands sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.