Dahil sa panibagong oil price hike na ipinatupad ng mga kumpanya ng langis ngayong umaga, nasa halos P42 na ang presyo ng kada litro ng gasolina at halos P28 naman na ang presyo ng kada litro ng diesel.
Sa isinagawang monitoring ng Radyo Inquirer, sa lungsod ng Makati, ang branch ng Petron sa Buendia kanto ng Pasong Tamo, P27.70 na ang presyo ng kada litro ng diesel at P41.95 naman ang kada litro ng gasolina.
Mas mahal naman ang presyo ng diesel sa Chevron na katabi lamang ng nasabing branch Petron, ang presyo ng diesel ng Chevron ay P27.75 kada litro at P41.45 naman ang kada litro ng gasolina.
Ang presyo ng Shell sa Pasong Tamo kanto ng Metropolitan Avenue sa Makati ay P27.75 ang kada litro ng diesel at P40.85 naman sa kada litro ng gasolina.
Samantala, sa Quezon City, ang branch ng Petron at Shell sa Main Avenue ay P27.47 at P30.72 ang presyo ng kada litro ng diesel depende sa klase at P40.28 at P42.08 ang gasolina depende sa klase.
Umaaray naman ang mga driver ng jeep dahil sa ilang sunod na linggo nang pagtaas ng presyo ng diesel.
Ngayong araw ay nagpatupad ng 35 sentimo na pagtaas sa presyo ng gasolina at 40 centavos naman kada litro ng diesel habang 55 sentimo sa kerosene ang mga kumpanya ng langis dahil sa paggalaw nito sa pandaigdigang pamilihan.