Senador Bong Go naghatid ng tulong sa mga biktima ng buhawi sa Digos City, pagtatatag ng DDR, idiniga
By: Chona Yu
- 2 years ago
Determinado si Senator Christopher “Bong” Go na isulong muli ang paglikha ng Department of Disaster Resilience. Layunin ng Senate Bill No. 188 na inihain ni Go na magtatag ng ahensya na tututok sa maagap na pagtugon sa mga kalamidad.
“Bago dumating ang bagyo, may prepositioned goods na, coordination with LGUs, at dapat dalhin ang ating mga kababayan sa mga safe na lugar. At pag-alis ng bagyo, restoration of normalcy agad,” sabi ni Go sa kanyang video message sa isinagawang relief effort ng kanyang team sa Digos City, Davao del Sur.
Namahagi ang outreach team ni Go ng grocery packs, meals, shirts, masks at vitamins sa kabuuang 19 na pamilya na sinalanta ng buhawi sa Barangay San Miguel Hall. Nagbigay din ang team ng mga bisikleta, phablets at mga sapatos sa ilang mga piling indibidwal.
Bukod dito ay nagkaloob din ang Department of Social Welfare and Development ng tulong pinasyal sa mga pamilya para sa kanilang pang araw-araw na pangangailangan habang bumabangon mula sa kalamidad.
Samantala, nagsagawa naman ang Department of Trade and Industry at ang National Housing Authority ng on-site assessments at nagbigay ng livelihood at housing assistance sa mga kwalipikadong tumanggap.
Sa kanyang mensahe, umapela si Go sa mga benepisyaryo na may mga karamdaman na bumisita sa Malasakit Center na matatagpuan sa Davao del Sur Provincial Hospital sa lungsod kung saan maari silang humingi ng medical assistance.
Ipinaalala rin ng senador sa publiko na ipagpatuloy ang pag-iingat, kasabay ng pagtiyak na nakakarating na sa malalayong komuniad ang bakuna laban sa COVID-19.
“Patuloy lang po tayo sa pagbabakuna. Alam kong sobrang hirap ng panahon pero ipagpatuloy lang po natin ang malasakit at bayanihan sa kapwa at malalagpasan din po natin ang krisis na ito,” panghihikayat ni Go.
“Nais po natin makamit ang population protection leading to herd immunity. Kaya please lang po, disiplina at kooperasyon ang ating kailangan,” dagdag pa niya.
Sinuportahan din ni Go ang iba’t ibang proyekto, gaya ng pagtatayo ng multipurpose buildings sa Bansalan, Digos City, Hagonoy, Magsaysay, Malalag, Padada, at Sulop; at development ng bat cave sa Matanao.
“Mga kababayan ko, magtulungan lang po tayo. Suportahan po natin ang bagong administrasyon at malalagpasan din po natin itong lahat. Hindi namin sasayangin ang oportunidad na ito na makapagserbisyo ng husto sa kapwa naming Pilipino,” pagtitiyak ng mambabatas.
“Ako naman po, senador pa rin po ako hanggang 2025 kaya naman sisiguraduhin kong mapagsilbihan po kayong lahat sa abot ng aking makakaya,” pangako ni Go.