Sinabi ni Senator Christopher “Bong” Go na hindi siya sigurado kung magtutugo sa Kamara si dating Pangulong Rodrigo Duterte para personal na saksihan ang unang pag-uulat sa bansa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Ayon kay Go, tradisyon nang imbitahan ang mga dating pangulo ng bansa sa State of the Nation Address (SONA) at aniya, sigurado siyang interesado si Duterte na mapakinggan ang mga balakin ni Pangulong Marcos Jr. para sa bansa.
Inulit din nito na magpapatuloy si Duterte sa pagsisilbi sa bayan at sambayanan kahit isa na lamang siyang pribadong mamamayan.
Samantala, sinabi ni Go na inaasahan niya na ilalatag ni Pangulong Marcos Jr. sa kanyang unang SONA ang kanyang mga balakin, gayundin ang kanyang legislative agenda lalo na sa pagtugon sa pandemya at pagbangon ng bansa.
Sinabi nito na bilang pagtugon na sa balakin ng bagong administrasyon, naghain na siya ng mga panukala para mapagbuti at mapangalagaan ang kalusugan ng mga Filipino.