TESDA, nagbukas ng 50,000 scholarship slots para sa mga magsasaka

TESDA Facebook photo

Nagbukas ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ng 50,000 scholarship slots sa mga magsasaka.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni TESDA Deputy Director General Aniceto “John” Bertiz III na binuksan ang nasabing pagsasanay sa ilalim ng Rice Extension Services Program (RESP).

“Ito pong 2022, mayroon tayong nakalaan na 50,000 slot for our farm school scholarship program or agriculture program po,” pahayag nito.

Paliwanag ni Bertiz, “Para po nabibigyan natin ng mga bagong pagsasanay, teknolohiya, at mga kaalaman ang ating mga magsasaka. Ganun na rin sa mga production at manufacturing ng mga farm equipment.”

Nagiging problema rin kasi aniya ang mga ini-import na farm machineries sa bansa.

Dahil dito, nakipagtulungan aniya ang ahensya sa mga industriya na gumagawa ng farm equipment

“Kapag nag-breakdown po siya, nahihirapan tayo sa availabilities ng mga piyesa… So kapag nag-breakdown po ang kanilang kagamitang pangsaka, sila na po ang magkukumpuni,” saad nito.

Maliban dito, magbibigay din aniya ng kaalaman ukol sa organic farming.

Sinabi ni Bertiz na humigit-kumulang 50,000 ang nakapagtapos sa ilalim sa RESP simula 2020 hanggang 2021.

Hinikayat nito ang publiko makiisa sa mga inihahandang programa ng TESDA.

Read more...