Bilang ng napatay sa operasyon kontra Maute Group, nasa 54 na-AFP
Umaabot na sa 54 ang bilang ng namatay sa nagpapatuloy na operasyon ng militar sa grupo ng Maute terror group sa Lanao Del Sur.
Ayon kay Major Filemon Tan, tagapagsalita ng AFP Western Mindanao Command, batay sa kanilang mga nakalap na intelligence report, ang 54 ay pawang mga miyembro ng grupo.
Dalawa namang sundalo ang nasawi sa nagpapatuloy na operasyon at siyam ang sugatan.
Kinilala ni Tan ang mga nasawing sundalo na sina Private First Class Danilo Allaga at Mark Ferdinand Ortaliza.
Noong Linggo, ginamitan na ng mga OV-10 bombers ang kuta ng Maute group sa Barangay Ragayan.
Ang Maute brothers na pinuno ng grupo ang pasimuno umano ng serye ng mga pambobomba sa mga tore ng NGCP sa Mindanao.
Ito ay bukod pa sa mga kaso ng kidnapping kung saan ang pinakahuli ay ang pagdukot ng mga ito sa anim na manggagawa ng isang sawmill sa Iligan City kamakailan.
Sa naturang insidente, dalawa sa mga manggagawa ang pinugutan ng ulo ng mga suspek noong April.
Nasa 1,200 katao na nakatira sa paligid ng encounter site ang napilitang iwan ang kanilang mga tahanan sa pangambang madamay sa engkwentro.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.