Sens. Alan at Pia Cayetano iniisip na bumuo ng ‘independent bloc’ sa Senado
Limang araw bago ang pagsisimula ng 19th Congress, wala pang desisyon ang magkapatid na senador na sina Alan Peter at Pia Cayetano kung aanib sila sa ‘supermajority’ o minority ng Senado.
Sinabi ni Alan Peter na isa rin sa ikinukunsidera nila ng kanyang kapatid ay bumuo na lamang ng ‘independent bloc’ depende sa pakikipag-usap nila sa dalawang grupo sa Senado.
Ang supermajority ay pamumunuan ni incoming Senate President Juan Miguel Zubiri at si Sen. Aquilino Pimentel III naman ang babandera sa minoriya.
Sa ngayon, ang bubuo sa minoriya ay sina Pimentel at Sen. Risa Hontiveros lamang.
“I can tell you honestly, at this moment wala pa kaming desisyon ngayon pero we’re keeping our options na maging independent din,” sabi ni Alan Peter.
Ibinahagi naman ni Pia na may naging pag-uusap na sila ni Pimentel.
Idinagdag naman ng kanyang kapatid na wala itong balak na makipag-agawan sa pamumuno sa anumang komite o kahit pamunuan ang minoriya.
Aniya, ang tanging iniisip niya ay makapagtrabaho nang maayos at epektibo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.