Sen. Gatchalian: Survey sinabing ‘underpaid’ ang teachers, hihirit ng pay hike
Sinabi ni Senator Sherwin Gatchalian na dapat sa pinakamabilis na panahon ay maipasa na ang kanyang panukala na magbibigay ng dagdag sahod sa public school teachers.
Ikinatuwiran ni Gatchalian ang resulta ng Pulse Asia survey na isinagawa kamakailan, kung saan 50 porsiyento sa 1,200 respondents ang nagsabi na kulang ang sahod ng mga guro, 37 porsiyento ang nagsabi naman na sakto lang at may tatlong porsiyento ang naniniwala na sobra-sobra pa ang suweldo ng mga ito.
Ayon sa senador, matagal na niyang ipinupunto na ang ‘entry level salary’ ng public school teachers sa bansa ay lubhang napakalayo sa mga tinatanggap ng mga guro sa ibang bansa sa ASEAN.
Sa kanyang Senate Bill No. 149 o ang Teacher Salary Increase Act, nais ni Gatchalian na tumaas sa pinakamababang P29,798 ang suweldo kada buwan ng public school teacher.
“Panahon na upang itaas natin ang sweldo ng ating mga guro, lalo na’t sila ay napakahalagang sangkap sa pagkakatuto ng ating mga kabataan. Kung maitataas natin ang kanilang mga sahod, maitataas din natin ang kanilang morale at mahihikayat din natin ang mas maraming mga kabataan na kumuha ng kurso sa pagtuturo,” sabi ng namumuno sa Senate Committee on Basic Education.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.