Kinolektang higit P1.3-M transportation allowance ng NFA officials ipinasosoli ng COA
Hindi maaring humingi at mabigyan ang mga opisyal ng National Food Authority (NFA) ng transportation allowance, giit ng Comission on Audit (COA).
Kayat ipinababalik nila sa mga opisyal ng ahensiya ang P1.373 milyon na kanilang kinolekta bilang ‘transportation allowance.’
Nadiskubre ng COA na P1.205 milyon ang kinolektang transportation allowance ng mga opisyal sa NFA Central Office at P168,258 naman ng mga NFA – National Capital Region.
Pinagbasehan ng COA ang kanilang utos sa dalawang desisyon ng Korte Suprema na nagsasabi na ang opisyal na may opisyal na sasakyan ay hindi maaring bigyan ng transportation allowance kahit hindi nila gamitin ang sasakyan.
Sa sagot naman ng NFA, sinabi na ang mga sasakyan ay hindi lamang para sa mga opisyal kundi sa opisina.
Ayon pa sa NFA may mga circular na inilabas ang COA mismo hinggil sa paggamit ng mga sasakyan ng gobyerno.
Buwelta naman ng COA ang lahat ng circulars ay napawalang bisa na ng General Appropriations Act of 2021.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.