DepEd pinaghahanda na ni PBBM Jr. sa pagbabalik ng F2F classes
Inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Department of Education (DepEd) at iba pang ahensya ng pamahalaan na gawing puspusan ang paghahanda para sa pagbubukas ng face-to-face classes sa taong 2022.
Ginawa ng Pangulo ang utos sa Cabinet meeting noong Martes, Hulyo 19, sa Malakanyang.
Sa naturang pulong, tinanong ni Pangulo Marcos Jr. kay Vice President at Education Sec. Sara Duterte kung ano ang mga plano at paano tutugunan ang mga problema gaya ng kakulangan ng mga guro, silid-aralan at iba pa.
Nag-aalala ang Pangulo sa mga problemang maaring kaharapin ng milyun-milyong estudyanteng papasok sa eskwela.
“Ang gawin na lang natin [ay] i-identify saan ‘yung areas na magbe-blended learning para maka-focus tayo. Ihanda yung mga devices at mga kailangan nila na noong pandemic hindi nasu-supply-an sa mga bata,” pahayag ni Pangulong Marcos Jr.
“We continue with blended learning pero in very specific places lamang. As much as possible, face-to-face na talaga,” dagdag ng Pangulo.
Base sa Department Order 34 ng DepEd, hanggang October 31 lamang ipatutupad ang blended learning habang sa November 2 magsisimula ang face-to-face classes.
Nababahala rin ang Pangulo sa internet connectivity sa bansa at ang tumataas na kaso ng COVID-19.
Kahit nababahala, determinado ang Pangulo na ipatupad ang face-to-face classes.
Inatasan din ng Pangulo ang mga kinauukulang ahensiya na agad ayusin ang mga eskuwelahan na nasira ng bagyong Odette noong nakaraang taon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.