Sa pagbubukas muli ng mga klase sa Agosto 22, sinabi ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) na kukulangin sa bakasyon ang mga guro.
Kaya’t nais ng ACT na bigyan ng kagawaran ng ‘vacation pay’ ang mga guro.
Sa isang panayam, sinabi ni ACT chair Vladimir Quetua na maituturing na paglabag ang DepEd Order 34 na nagtakda ng simula ng School Year 2022 – 2023.
“Kaya kung magbubukas sa August 22, isang usapin dito, walang bakasyon ang mga guro kaya ang panawagan namin dito bayaran yung mga guro na lagpas doon sa takdang panahon niya, tinatawag naming Proportional Vacation Pay,” ani Quetua.
Una nang nanawagan ang Teachers’ Dignity Coalition (TDC) na ipagpaliban sa Setyembre ang muling pagsisimula ng mga klase para mabigyan naman ng sapat na panahon na makapagpahinga ang mga guro.
Katuwiran ng koalisyon, hanggang ngayon, maraming guro ang abala sa mga gawain na may kinalaman sa kanilang mga tungkulin tulad ng graduation, completion at paghahanda sa kanilang performance assessments.