TRO na hiling ni Petrasanta, ibinasura

Chief-Superintendent-Raul-Petrasanta (1)
Inquirer File photo

Ibinasura ng Court of Appeals ang hiling ni Chief Superintendent Raul Petrasanta na Temporary Restraining Order o TRO o di kaya ay Status Quo Ante Order laban sa utos ng Ombudsman na sibakin siya sa serbisyo.

Sa tatlong pahinang resolusyon ng CA 6th division na sinulat ni Associate Justice Nina Valenzuela, nakasaad na walang matibay na basehan si Petrasanta para pagbigyan ang petition for TRO nito na pipigil sa kautusan ng Ombudsman na alisin siya sa tungkulin.

Ayon kay Justice Valenzuela, walang nilabag ang Ombudsman na karapatan ni Petrasanta nang magdesisyon ito sa kaso.

Sa halip, hinihingan ng pahayag ng Appellate Court ang Fact Finding Investigation bureau ng Office of the Deputy Ombudsman for Military and other Law Enforcement Office, ang Ombudsman at ang tanggapan ni DILG Secretary Mar Roxas tungkol sa hiling ni Petrasanta at ito ay dapat na maibigay sa CA sa loob ng sampung araw.

Una nang nagpasaklolo si Petrasanta sa Court of Appeals noong Hulyo a-dos matapos ilabas ng Ombudsman ang utos na sibakin ang mga opisyal ng PNP na sangkot sa maanomalyang kontrata sa courier service para gun license delivery./ Ricky Brozas

Read more...