Mga pangamba sa kaniyang seguridad, pinawi ni Duterte

 

Inquirer file photo

Ayaw pa rin pumayag ni President-elect Rodrigo Duterte na samahan siya ng Presidential Security Group (PSG) sa tuwing uuwi siya sa Davao mula sa Maynila.

Kaugnay nito, sinubukan niyang pawiin ang pangamba ng publiko sa kaniyang kaligtasan at sinabing sakaling may mangyaring masama sa kaniya, nariyan naman si Vice President-elect Leni Robredo para pumalit sa kaniya.

Ayon kay Duterte, nakasaad naman sa Konstitusyon na ang bise presidente ang papalit sa kaniya sakali mang mahulog ang sinasakyan niyang eroplano.

Giit ng susunod na pangulo ng bansa, wala siyang nakikitang banta sa kaniyang seguridad kung araw-araw man siyang sasakay ng commercial flight kasama ang kaniyang executive assistant na si Bong Go at isa pang staff.

Ibinahagi pa ni Duterte nang minsan ay sinubukan niyang paalisin at pauwiin ang PSG na nagbabantay sa kaniyang bahay sa Davao City. Bagaman wala naman siyang problema sa mga tauhan ng PSG, sinabihan niya ang mga sundalo na umalis sa likod ng kaniyang bahay.

Ngunit may isa aniyang opisyal ng PSG na nakiusap at humingi rin ng konsiderasyon mula sa kaniya, at iginiit na mandato nila alinsunod sa batas na bantayan ang pangulo ng Pilipinas.

Ipina-intindi niya rin sa PSG na sanay siyang nilalapitan at niyayakap ng mga tao.

Read more...