Pinoy, kasama sa Top 10 Most Wanted ng FBI
Aabot sa $100,000 o nasa P4.7 million ang patong sa ulo ng Pilipinong kabilang sa Top 10 Most Wanted Fugitives ng Federal Bureau of Investigation (FBI).
Pinaghahanap ng mga otoridad sa U.S. si Philip Patrick Policarpio na pumatay sa kaniyang buntis na kasintahan pati na sa anak nitong nasa sinapupunan pa lamang noong nakaraang buwan.
Naganap ang krimen April 12 sa N. Virgil Avenue sa East Hollywood, Los Angeles, California sa isang pagtitipon ng mga magkakaibigan.
Nagtatalo sina Policarpio at ang kasintahan nitong si Lauren Olguin na mahigit 4 na buwang buntis noong panahong iyon.
Ayon sa mga testigo, pinagsusuntok ng suspek ang biktima at saka ito binaril sa ulo sa harap mismo ng mga bisita.
Itinuturing ng FBI si Policarpio na “extremely armed and dangerous,” at inilarawan siyang may taas na 5″8′, 39-anyos, may mga tattoo sa dibdib kabilang na ang isang nakasulat na “Only God Can Judge Me,” pati na sa magkabilang braso, likod at kaliwang hita.
Tinataya ring may bigat siya na 150 hanggang 165 pounds, may nunal sa kanan at kaliwang bahagi ng ilong, sa ibabaw ng kanang bahagi ng labi at mayroon rin siyang peklat malapit sa kaliwang mata.
Si Policarpio ay una nang nakulong ng 14 na taon dahil sa pagpapaputok sa isang sasakyan dahil rin sa argumento noong 2000 at nabigyan lamang siya ng parole noong May 2015.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.