Mas mabilis na internet connectivity sumalubong sa pagsisimula ng termino ni PBBM
By: Chona Yu
- 3 years ago
Mas mabilis na internet download speeds sa fixed broadband at mobile sa bansa ang sumalubong sa Marcos administration, batay sa June 2022 report ng Ookla Speedtest Global Index.
Tumaas sa 68.94Mbps ang fixed broadband median noong Hunyo mula sa 60.09Mbps na naitala noong Mayo. Ang average download speed para sa fixed broadband ay naitala sa 94.66Mbps.
Bumilis din ang mobile median sa bansa nang maitala sa 21.41Mbps ang download speed mula sa 19.26Mbps. Ang average download speed para sa mobile ay nasa 50.57Mbps.
Ang improvement sa internet speed ay welcome development upang maisakaptuparan ang marching orders ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay DICT Secretary Ivan John Uy na pagbutihin pa ang connectivity at e-governance sa bansa.
Iniuugnay ang improvement sa internet speed sa mabilis na pag-iisyu ng mga LGU ng permit sa telcos upang mapabilis din ang pagtatayo ng imprastraktura, gaya ng cellular towers at fiber optic network, na kailangan sa pagpapabuti ng serbisyo at connectivity.
Inaasahan naman na sa pagpasok ng Starlink ni Elon Musk ay ay bibilis pa ang internet connection sa bansa. Nasa 100Mbps hanggang 200Mbps ang download speed na alok ng kumpanya.