Digital payments sa mga ahensiya ng gobyerno hirit ni Sen. Lito Lapid
Naghain ng panukalang-batas si Senator Lito Lapid para sa magpatupad na ng ‘digital payments’ ang lahat ng mga ahensiya ng gobyerno, gayundin ang mga lokal na pamahalaan.
Sakop din ng panukala ang foreign-based government agencies, government corporations, at state and local universities and colleges.
Paglilinaw ni Lapid maging ang pamamahagi ng cash assistance, gayundin ng suweldo, benepisyo, allowances at honoraria sa mga kawani ay kailangan maisama sa nais niyang ‘digital transactions.’
Paliwanag din ng senador dahil sa pandemya at pangamba na kumalat ang COVID 19, umasa ang maraming mamamayan sa ‘digital and online payments’ bilang proteksyon.
Binanggit pa nito ang resulta ng 2021 Visa Consumer Payments Attitudes Study na nagpakita na 60 porsiyento ng 1,000 respondents sa Metro Manila, Cebu, Cavite, Rizal at Bulacan ang nagsabi na binawasan nila ang pagbibitbit ng cash at sumubok sa ‘cashless transactions.”
“Patuloy po ang paglaki ng tiwala ng marami nating kababayan sa tinatawag na digital payments gaya po ng credit cards at e-wallet. Sa katunayan po, may mga LGU po tayo na nakapagbibigay ng ayuda gamit ang e-wallet. Bagama’t pangunahin pa rin ang pag-gamit ng salapi, marapat na po natin tanggapin na magiging permanenteng bahagi po ng ating komersyo ang digital payments,” dagdag pa ni Lapid.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.