Spam filter sa mobile phones magagamit kontra spam, scam messages

Ibinahagi ng Globe na maaring gamitin ng mobile phone users ang spam filter ng kanilang unit para dagdag proteksyon laban sa text scams.

Sinabi ni Globe Chief Information Security Officer Anton Bonifacio mistulang COVID 19 na ang scam at spam texts dahil nagkaroon na ang mga ito ng ‘variants.’

Aniya nagagawa nang malusutan ang ‘countermeasures’  tulad ng SMS blocking ng mga networks kayat kailangan ay matutuhan ng user na i-activate ang spam filter ng kanilang Android mobile phones.

Sinabi pa ni Bonifacio na may instructional video sila para sa activation ng filter sa units ng kanilang subscribers.

“Nagsusumikap ang mga telcos sa abot ng aming makakaya na harangin ang mga spam at scam messages pero isa lamang ito sa maraming hakbang na kailangan gawin,” aniya.

Dagdag pa ni Bonifacio tulad sa proteksyon sa COVID 19, kailangan mag-‘double mask’ – ang networking blocking at public awareness.

Sabi pa ng opisyal kailangan ay magtulungan ang mga telcos para sa proteksyon ng kanilang subscribers.

Ang Globe ay may Stop Spam  portal kung saan maaring agad maisumbong ang mga kadudadudang text messages.

Read more...