Patuloy na binabantayan ng PAGASA ang low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ayon kay PAGASA Weather Specialist Raymond Ordinario, huling namataan ang sama ng panahon sa layong 570 kilometers Silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur.
Malaki aniya ang posibilidad na maging bagyo ang LPA. Kaya naman base sa analysis ng weather bureau, mayroong iiral na bagyo sa bansa.
Sakaling maging bagyo, tatawagin itong “Ester”.
Ngunit sa ngayon, Southwest Monsoon o Habagat ang patuloy na nagdadala ng pag-ulan sa Kanlurang bahagi ng bansa.
Bunsod nito, sinabi ni Ordinario na asahan pa rin ang makulimlim na panahon na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkidlat, at pagkulog sa Cordillera Administrative Region (CAR), Central Luzon, CALABARZON, Metro Manila, MIMAROPA, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Bangsamoro region, at SOCCSKSARGEN.
Pinayuhan ang mga residente sa mga nabanggit na lugar na maging alerto sa biglaang buhos ng ulan.
Samantala, maaliwalas na panahon naman ang mararanasan sa nalalabing parte ng bansa, maliban sa mahihinang pag-ulan.
Wala pa ring nakataas na gale warning kaya’t malaya pa ring makakapalaot ang mga sasakyang-pandagat.