NBA player Bryce Dejean-Jones, patay sa Dallas shooting

Bryce Dejean-Jones
Larawan mula sa NBA.com

Patay matapos barilin ang NBA New Orleans Pelicans basketball player na si Bryce Dejean-Jones sa isang apartment sa Dallas kahapon.

Kinumpirma ng NBA team sa isang pahayag ang pagkamatay ng 23 year old shooting guard.

Lubha naman nalulungkot ang NBA team sa sinapit ni Bryce at nakikiramay sila sa naiwang pamilya nito.

Ayon sa Dallas police, bandang 3:20 ng madaling araw nang rumesponde ang kanilang tauhan sa tawag mula sa isang residente kung saan sinabi nito na may isang lalaki na sapilitang pumasok sa kanyang apartment habang siya ay natutulog.

Nang sipain aniya ng nasabing lalaki ang pintuan ng kwarto ay agad na pinaputok ng residente ang kanyang baril.

Dito na tumakbo palabas ng apartment ang nasabing lalaki at ilang sandali ay napaulat na binawian na ng buhay sa isang lokal na ospital.

Matapos ang imbestigasyon, kinilala ng mga pulis ang nasawing lalaki na si Dejean-Jones.

Nagsimula ang career ni Dejean-Jones sa NBA noong Enero at pumirma ito ng multi-year contract sa New Orleans club noong nakaraang Pebrero.

Read more...