Ito ang kinumpirma ng runningmate ni Duterte na si Sen. Alan Peter Cayetano sa isang pahayag.
Ayon kay Cayetano, matagal nang kinokonsidera ni Duterte ang pagbibigay ng posisyon sa gabinete sa kung sino man ang mahahalal na bise presidente ng bansa.
Nirerebyu aniya ni Duterte araw-araw ang mga posisyon sa kanyang gabinete na ibibigay niya sa kanyang mapipisil na personalidad.
Paliwanag ni Cayetano, ibibigay ni Duterte kay Robredo ang posisyon na angkop sa ipinaglalaban ng mambabatas noong nangangampanya pa lamang ito.
Sinabi rin ng senador na nakatakda sanang magpulong sina Duterte at Robredo noong isang linggo ngunit hindi natuloy dahil pahayag ng kampo ng alkalde, mas mabuting gawin ito pagkatapos ng opisyal na pagpo-proklama sa dalawang nanalo.
Noong Biyernes ng gabi, nakumpleto na ng Kongreso ang official count sa nakaraang eleksyon at panalo si Duterte bilang presidente at si Robredo bilang bise presidente.
Ipo-proklama ng joint session ng Kongreso sina Duterte at Robredo bilang president-elect at Vice President-elect sa Lunes.