Atty. Medardo de Lamos, itinalaga bilang NBI-OIC

Itinalaga ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla si Atty. Medardo de Lamos bilang officer-in-charge ng National bureau of Investigation.

Papalitan ni de Lamos si NBI Director Eric Distor.

Bago naitalaga sa bagong puwesto, nagsilbi muna si de Lamos bilang NBI Assistant Director sa nakalipas na 12 taon.

Agad na nakipagpulong si Remulla kay de Lamos kaugnay sa kinukwestyong pagkamatay ng ilang inmates ng New Bilibid Prison.

Ayon kay Atty. Mico Clavano, mula sa Office of the Secretary ng DOJ, nais kasi ni Remulla na ma-validate o mapatunayan ang mga impormasyong naipresinta ukol sa pagkasawi ng walong high-profile inmates ng Bilibid.

Pero ayon kay Clavano, gusto pa raw ni Remulla na malaman ang iba pang detalye.

Maalala na nagsampa ang NBI sa DOJ ng reklamong murder laban sa 22 pulis ng National Capital Region Police Office o NCRPO na nakatalaga sa Bureau of Corrections, kaugnay sa pagkamatay ng 8 Bilibid inmates na unang sinabing nasawi dahil sa COVID-19.

Batay kasi sa imbestigasyon ng NBI, maaaring ginamit lamang ang COVID-19 para pagtakpan ang pagkamatay ng mga inmate.

Ang pagsisiyasat ng NBI ay ginawa alinsunod sa utos ng DOJ noong July 2020, matapos ang pagkasawi ng isa sa mga high profile inmate na si Jaybee Sebastian.

Read more...